Thursday, October 20, 2011

Ang putik na itinapon ay putik din
na ibabalik ng walang pagaalinlangan,
at ang putik na itinanggi: maitim at marumi
ang siyang lilinis sa mga mata na parang tubig.

(Para sa mga taong may kapasidad na magbasa, at para kay Mr. Robert Simon Uy—nawa’y lumawak pa ang iyong pagiisip ng kasing-lawak ng iyong pananampalataya.)

(K)Ampon ng Relihiyon

Sapilitang inagaw sa yakap
ng lohika,
at binigyan ng ngalang ngalan
din ng iba.

Ibinigkis sa ‘sanlibong taling
de-papel,
at walang pakundangang inihagis sa
gitna ng mga ipis.

Pinalaking nalulunod sa
along makalawang,
at idinisiplina sa larangan ng
pamumulaklak ng dila.

Hinayaang sumabay sa agos
ng mga anino,
at itinulak sa matarik na daang
puno ng payaso.

Tinuruang maghugas ng kamay
sa hapag,
at iwaksi ang mga kalapating
uwak sa pandinig.

Pinaniwalang hindi pinuwersa maging
mga (k)ampon,
at sinanay sa paggamit ng armas na
baluktot.

Babad sa mga simulakra,
pawang kopya sa mga nangopya ng replika.

Pinagkaitan ng kalayaan.
Kinitil ang sariling pagkatao.

Sila nga’y tunay na bulag

na

umaakay

sa

bulag.

No comments:

Post a Comment