Friday, October 7, 2011

hindi kinaya ng aking pasensya ang paghihintay sa wala

lumuhod ka
sumunod sa inaatas ng tagapagsalita—oras na upang magdasal

ang tunog ng nakaririnding kampana
pahiwatig ng isang mahaba at naka-aantok na hapon
lamig na inaasahan—hindi dumarating
bagkus ay init na halintulad sa impyerno (ngunit hindi masyado)
kaya’t ilabas mo ang abaniko

mga salitang paulit-ulit

paulit-ulit

paulit-ulit

ulit

ulit

na uulit sa iyong utak—paulit-ulit, pabalik-balik
daig pa ang dasal sa panahon ng dilubyo
daig pa ang mga inutil at mga abogado

mga kantang para sa sa iyo’y walang silbi
at hindi nakararating sa labas—kung saan
ang mga tao ay payapa at ligtas sa mga kasinungalingan
at di mapagtantong pagtuturo

kumanta ka
ayon sa mga titik na inihanda sa papel
at hindi ayon sa idinidikta ng iyong malayang isip
‘huwag kang subersibo, huwag  kang pilosopo’

mga salitang namumulaklak sa bibig ng nakaputi—
hindi maarok, hindi maintindihan
sa wikang banyaga na bago sa pandinig
ng hindi nananampalataya—kailangan mo ng diksyunaryo

tingnan mo ang nasa iyong harapan
mga rebultong nakatingin na parang nanguusig—nanghihimok
na isuko mo ang iyong pagkatao
sa altar na pinalilibutan ng mga kandilang nagaapoy

magingat ka—baka ika’y mapaso
at malason sa usok ng insenso

ibaling ang paningin sa magkabilang gilid
mga imahe ng pagkamatay at muling pagkabuhay
‘nasan ang iyong konsensya, nagsusulat ka
sa banal na tirahan’ kanilang wika

pansinin siya na sinasamba mo
na habambuhay na ipinako sa krus na bato
‘itinakwil’ ang unang nasambit (nakatutuwang isipin)
kanya lamang katabi ang mahal na ina

mahal na ina—na hindi pansin ang kanyang pagdurusa
at mga santo na tila ba’y ikinatutuwa
na ang kanilang tagapaligtas
ay hindi na nakababa sa kanyang luklukan

natigilan

naubusan

ng ideya

sa pagdaan ng pusa
na hindi alintana
ang matitinis na litanya
sa gitna ng mga binti
na nanginginig at
takot sa parusa ng langit

halika at mangumpisal

No comments:

Post a Comment